MANILA, Philippines - Bumagsak sa pinagsanib na elemento ng pulisya at militar ang isang mataas na lider ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa isinagawang raid sa safehouse nito sa Baliuag, Bulacan noong Lunes ng gabi.
Kinilala ni Army Chief Lt. Gen. Arthur Ortiz ang lider na si Alan Jazmines, gumagamit ng mga alyas na Ka Dex, Tomas at Arthur na nasukol sa kuta nito sa Villa Aurea, Brgy. Subic, Baliuag dakong alas-6:11 ng gabi.
Inaresto si Jazmines sa bisa ng 13 warrants of arrest na inisyu ni Judge Rodolfo Garduque ng RTC Branch 63, Calauag, Quezon para sa kasong murder at Branch 59 sa Lucena City sa kasong rebelyon.
Nabigo si Jazmines na miyembro ng Central Committee ng CPP na magpakita ng dokumento na cover siya ng Joint Agreement on Security and Immunity Guarantees (JASIG).
Kahapon ay inilipat na si Jasminez sa PNP Custodial Center sa Camp Crame.