Gen. Reyes ihahatid ngayon sa Libingan ng mga Bayani: 'Paalam Sir Angie'

MANILA, Philippines - Ihahatid ngayon sa kanyang huling hantungan sa Libingan ng mga Bayani si dating Defense Chief at AFP Chief of Staff ret. Gen. Angelo “Angie” Reyes sa Fort Bonifacio, Taguig City.

Ayon kay AFP Spokesman Brig. Gen. Jose Mabanta, isang misa ang inihanda sa canopy sa harapan ng General Headquarters ng Camp Aguinaldo dakong alas-8 ng umaga bago tumulak ang funeral march. Ihihimlay si Reyes sa tabi ng pinag­libingan kina dating Star columnist Max Soliven at dating SSS Administrator Gilberto Teodoro Sr.

Libong katao ang inaasahang makikiisa sa libing mula sa kaniyang pamilya, kamag-anak, mga kaibigan, opisyal ng gobyerno, mga VIP’s, mga aktibo at retiradong opisyal ng AFP.

Dakong alas-5 ng hapon ay isinakay sa karwahe na puno ng mga bulaklak na puti ang labi ni Reyes ng ilipat sa canopy ng AFP General Headquarters kung saan isinagawa ang necrological service.

Si Reyes ay gagawaran ng 19-gun salute na hu­ling saludo sa heneral sa pagsisilbi nitong Chief of Staff at Defense Secretary mula Hulyo 1999 hanggang Agosto 29, 2003.

“This will be accompanied by one saluting battery of canons which will offer the traditional gun salute, a military tradition of honoring a former Chief of Staff and Defense Secretary, together with a Brigade-sized honor guard comprised of troops from the General Headquarters, the Phil. Army, Air Force and the Navy for arrival honors,” ayon naman kay AFP-Public Affairs Office Chief Lt. Col. Arnulfo Marcelo Burgos Jr.

Dalawang helicopter naman ang magbabagsak ng mga flower petals sa Libingan ng mga Bayani habang inililibing na ang labi ni Reyes.

Noong Martes ay ginulantang ang sambayanan sa pagsu-suicide ni Reyes na nagbaril sa dibdib sa harap ng puntod ng kaniyang mga magulang sa Loyola Memorial Park sa Marikina City.

Show comments