Militar 'di dapat iprayoridad sa budget sa gobyerno
MANILA, Philippines – Nanawagan sa pamahalaang Aquino ang samahan ng mga dating political detainees na huwag nang bigyan ng prayoridad ang militar sa pagkakaloob ng malaking pondo sa ilalim ng taunang budget.
Sinabi ni Fr. Dionito Cabillas, secretary general ng Samahan ng mga Detainees laban sa Detensiyon at Aresto o SELDA, ang nabunyag na mga katiwalian sa AFP ay sapat nang dahilan para higpitan ang sinturon ng militar. Lumalabas anilang hindi nagugugol lahat sa seguridad ng bansa ang daang bilyon na pondo ng militar kundi napupunta ang malaking bahagi nito sa bulsa ng ilang opisyal.
Ayon kay Cabillas, panahon na para ikonsidera ng gobyerno ang matagal nang panawagan na mas buhusan ng budget ang pangunahing serbisyo sa halip na ang military budget.
Taun-taon umano ay tumataas ang pondo ng militar base sa isinusumiteng budget ng Malakanyang at ngayong 2011, P104.5 bilyon ang budget nito, mas mataas ng 6.35 percent kumpara noong 2010.
- Latest
- Trending