MANILA, Philippines - Iginiit kahapon ni South Cotobato Board Member Cecil Diel na legal ang open pit mining at ang pagbabawal dito sa ilalim ng environmental code ng lalawigan ay illegal.
Sinabi ni Atty. Diel, hindi labag ang pagkakaroon ng open pit mining bagkus ang pagbabawal dito sa ilalim ng environmental code ng lalawigan ang illegal.
“Sa ilalim ng 1995 Mining Act at Financial and Technical Assistance Agreement (FTAA), may opsiyon ang kontratista na alamin ang pinakaangkop na paraan sa pagmimina base sa ginawang teknikal na pag-aaral,” wika pa ni Diel.
Aniya, labas sa saklaw ng provincial government na magbawal sa open pit mining dahil kinokontra nito ang mas makapangyarihang Mining Act of 1995.
Nitong Nobyembre, nag-isyu si Interior and Local Government Secretary Jesse Robredo ng memorandum na nag-uutos sa mga opisyal ng South Cotabato na repasuhin at amyendahan ang pagbabawal sa open pit mining na lumihis sa pambansang batas at sa patakaran ng gobyerno sa responsableng pagmimina.
Noong nakaraang taon, nagkomento naman si dating Supreme Court Chief Justice Reynato S. Puno na “ang mga kritikal na industriya tulad ng pagmimina ay dapat pamahalaan ng pambansang gobyerno o ng Kongreso.”
“Hindi pa handa ang mga lokal na gobyerno sa pamamahala sa mga kritikal na industriya tulad ng pagmimina,” dagdag ni Puno.