DepEd kapos ng 30-libo guro
MANILA, Philippines - Kapos ng 30,000 guro para sa tinatayang 2.5 milyong estudyante na papasok sa kindergarden sa darating na pagbubukas ng klase sa Hunyo o school year 2011-2012.
Ayon kay Benjie Valbuena, bise presidente ng Alliance of Concerned Teachers (ACT), taun-taon ay hindi mapunan ng DepEd ang matagal ng problema sa kakulangan ng guro bunsod ng maliit na suweldo na ibinibigay ng gobyerno.
Aniya, ang mga guro sa kindergarden ay binibigyan lamang ng P6,000 honorarium kada buwan sa loob ng maghapong pagtuturo na mababa pa sa minimum wage.
Kadalasan ay nadedelay pa umano na umaabot sa anim na buwan ang P6,000 honorarium kaya mas pinipili ng mga ‘newly graduate teachers’ na maghanap na lamang ng ibang mapapasukan o kaya’y mag-abroad.
Bukod dito, hindi pa rin umano naisasaayos ng DepEd ang mga dati ng problema tulad ng kakapusan ng classroom, school building, libro at iba pang instructional materials.
Hinihiling ng ACT na ibigay ang nararapat na suweldo sa mga guro sa kindergarden base sa umiiral na ‘salary standardization scheme’ kung nais ng gobyerno na mapunan ang 30,000 guro ngayong darating na pasukan.
- Latest
- Trending