MANILA, Philippines - Dalawang empleyado ng Bureau of Customs (BOC) ang inirereklamo ng ilang importer at mga broker dahil sa umano’y paghingi ng malaking halaga, kapalit ng maagang pag-release sa kanilang kargamento sa Aduana.
Ayon sa isang grupo ng mga negosyante, na tumangging ihayag ang kanilang pangalan sa takot na balikan sila ng dalawang BOC employees, aabutin ng ilang araw ang pagproseso ng mga papeles sa kanilang mga kargamento bago mailabas sa Aduana, gayung dati ay isang araw lamang ito pinuproseso sa ilalim ng nakalipas na administrasyon.
Naniniwala ang mga negosyante na ang delay ay intensyunal na ginagawa upang mapilitan ang mga broker at importer na i-follow-up ang kanilang shipment sa tanggapan ng dalawa.
Batay sa reklamo ng grupo, para maiproseso at mai-release sa loob ng isang araw ang kargamento, kinakailangan muna umano nilang maglabas ng P100,000 kada container para sa dalawang naturang BOC officials, maliban pa sa kailangang bayarang duties at taxes.
Nabatid na aabot sa mahigit 1,000 container ang pinuproseso araw-araw sa Port of Manila (POM) pa lamang.
Anang mga negosyante, maging ang mga shipment na ang duties at taxes ay bayad na mula sa lugar na pinanggalingan nito, ay pinipigil pa rin umano ng dalawa para mapilitang magbigay ng “for the boys” ang may-ari nito.
Bunsod umano nito, sinasabing daan-daang container ang bumabaha ngayon sa POM dahil sa pagkaantala ng pagproseso ng shipment dahil sa mga naturang empleyado.
Naniniwala ang grupo na hindi batid ni BOC Commissioner Lito Alvarez ang naturang aktibidad ng dalawa kaya sila umaapila na sana ay aksiyunan ang kanilang reklamo.