MANILA, Philippines - Suportado ng isang grupo ng mga commuter at maging ng Light Railway Transit Administration (LRTA) ang panukala na mabigyan ng insurance ang mga mananakay ng MRT at LRT.
Ayon kay Elvira Medina ng National Council for Commuter Protection (NCCP), noon pa man ay hinihiling na nila sa pamunuan ng MRT at LRT na mabigyan ng insurance ang kanilang mga pasahero upang may tiyak na makukuha ang mga ito sakaling may mga mangyaring aksidente.
Ikinatuwa ng grupo ang naging hakbang sa mababang kapulungan ng Kongreso kung saan kahapon ay una ng inihain ni A-teacher Partylist Rep. Julieta Cortuna ang “Insurance for Railway Passengers Act” na naglalayong mabigyan ng hospitalization at death benefits ang mga mananakay ng MRT at LRT lalo na ngayong itataas na ang pasahe rito.
Nilinaw naman ni LRTA spokesperson Atty. Hernando Cabrera na kahit wala ang nasabing panukala ay matagal na silang may inilaang insurance para sa mga pasahero ng LRT.
Inihalimbawa ni Cabrera ang insurance na ibinibigay nila sakaling may mga maganap na terrorist attack sa kanilang mga tren.
Para naman aniya sa mga aksidente tulad ng pagkadiskaril ng tren o di kaya’y banggaan ay may inilaan silang P50 milyong pondo para rito.
Tiniyak naman ni Cabrera na pabor sila sa nasabing panukalang batas lalo na’t para ito sa kapakanan mga pasahero, gayunman ang nakikita nilang problema ay ang mahal na premium na sinisingil ng GSIS.
Ikinagalak naman ng kapulisan ang nasabing panukala dahil sa tiyak umano na magiging mahigpit ang seguridad na ipapatupad sa LRT at MRT stations.