Carnapping gagawing non-bailable offense

MANILA, Philippines - Matapos mapaulat na 19 na beses nang  naka­pag­piyansa ang magkapatid na Roger at Raymond Dominguez dahil sa carnapping, inihayag kahapon ni Senator Ramon Bong Revilla Jr., na maghahain siya ng panukalang batas upang gawing non-bailable ang nasabing krimen.

Ayon kay Revilla, maliwanag na sinasamantala ng mga carnappers ang kasalukuyang Republic Act 6539 o Anti-Carnapping Law  kaya wala silang takot na paulit-ulit na gawin ang krimen.

Naniniwala si Revilla na posibleng hindi na umabot sa 19 ang kasong kinaharap ng magkapatid na Dominguez na idinadawit ngayon sa pagpatay kina Emerson Lozano at Venzon Evangelista kung hindi sila napayagang magpiyansa sa mga naunang kaso na kanilang kinasangkutan.

Sinabi pa ni Revilla na siguradong mababawasan ang kaso ng carnapping at carjacking sa bansa kung maaami­yendahan ang batas at mapapatawan ng mas mahigpit na parusa ang mga nagkasala.

Nauna rito, mismong ang Malacañang ang nagpahayag na nasa kamay ng mga mambabatas kung aamiyendahan ang batas upang hindi makapagpiyansa ang mga nasasangkot sa carnapping.

Sinabi naman ni  Presidential spokeswoman Abigail Valte na ang executive branch ang nagpapatupad ng batas at dapat umanong iparating sa lehislatura ang panawagan na Republic Act 6539 o Anti-Carnapping Law.

Lumutang ang posibilidad na maamiyendan ang RA 9539 matapos ihayag ng ama ni Evangelista na gawing non-bailable ang kaso ng carnapping.

Show comments