MANILA, Philippines - Ibinasura kahapon ng Korte Suprema ang kahilingan ng kampo ni Lauro Vizconde na muling buksan ang pagdinig sa kaso ng Vizconde massacre at baliktarin ang naunang desisyon nito na nagpapawalang sala sa akusadong si Hubert Webb at sa anim pa nitong kasama.
Sa botong 7-4-4, hindi nabago ang desisyon ng Korte na nag-aabswelto sa grupo ni Webb dahil sa kawalan ng sapat na merito.
Ayon kay Supreme Court (SC) spokesman at Court Administrator Atty. Midas Marquez, ibinasura nito ang motion for reconsideration na inihain ng kampo ni Vizconde sa pamamagitan ni Public Attorneys Office (PAO) Chief Persida Rueda-Acosta, gayundin ang motion for intervention na inihain naman ni dating vice pres. Teofisto Guingona at ng iba pa.
Dahil dito kayat malabo ng muling mabuksan ang pagdinig sa kaso ng grupo ni Webb matapos itong iabswelto ng Korte Suprema noong December 14, 2010.
Inatasan din ng SC si Vizconde at Atty. Ferdinand Topacio na maghain ng mga ebidensya sa loob ng 10 araw tungkol sa sinasabi nilang panunuhol umano sa ilang Mahistrado ng kampo ng mga akusado kapalit ng paborableng desisyon at umano’y tangkang pag-impluwensya ni Justice Antonio Carpio sa mga kasamahan nito upang maabswelto sina Webb.
Kaugnay nito, pinagsusumite naman ng show cause order upang hindi mapatawan ng contempt si Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) chairman Dante Jimenez dahil sa hindi magandang pananalita na binitawan nito at pagmumura sa mga mahistrado bilang kanyang reaksyon sa naging desisyon ng SC sa kaso.