PNoy pinayuhan ng obispo sa Porsche

MANILA, Philippines - Bagama’t walang nakikitang masama sa pagbili ni Pangulong Noynoy Aquino ng mamahaling sasakyang Porsche, naniniwala si Bishop Deogracias Yñiguez, pinuno ng Public Affairs Office ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), na mali ang timing ng Pangulo sa naging hakbang nito.

Giit ng obispo, hindi na ordinaryong mamamayan ang Pangulo kaya dapat na pinag-iisipan muna nitong mabuti ang lahat ng kanyang galaw maging para sa bayan man ito o para sa sariling pangangailangan.

Dapat aniyang maging magandang halimbawa ang Pangulo sa lahat ng mamamayang Pilipino dahil siya ang tinitingala ng mga ito.

Wika ni Bishop Yñiguez, kahit na sa sariling pera pa ng Pangulo galing ang ipinambili, dapat ay naisip nito ang kanyang panawagang pagtitipid nang maupo siya sa pwesto noong isang taon.

Bukod pa rito, maling timing din aniya na bumili ang Pangulo ng mamahaling sasakyan sa panahong maraming kababayan natin ang dumaraan sa matinding kalbaryo sa Bicol, Visayas at Mindanao dahil sa mga pag-ulan at pagbaha.

Show comments