MANILA, Philippines – Nakakatiyak ang Malacañang na hindi magkakaproblema si Pangulong Benigno Aquino sa kaniyang naging running mate na si dating Senator Mar Roxas at kay Vice President Jejomar Binay kahit pa naging magkalaban ang dalawa sa vice presidential elections noong nakaraang taon.
Ayon kay Deputy presidential spokesperson Abigail Valte, walang basihan ang mga ispekulasyon na makakaapekto si Roxas sa relasyon ng Pangulo at ni Binay sa sandaling pumasok na ito bilang “troubleshooter” ng administrasyon.
Sinabi ni Valte na professional naman ang Pangulo at maging sina Roxas at Binay kaya tiyak na hindi magkakaroon ng problema ang tatlo sa kanilang trabaho.
“Sa palagay ko, hindi naman dapat magkaroon ng agam-agam sa magiging relasyon sa trabaho. Propesyonal ang presidente, propesyonal ang bise presidente at ganun din si dating Senator Roxas. Trabaho lang ito,” sabi ni Valte.
Nakatitiyak din si Valte na kapwa nais ng tatlo na magtrabaho para sa bansa kaya siguradong walang mababago sa kanilang “working relationship”.
Kumalat ang ispikulasyon na posibleng hindi maging maganda ang relasyon nina Binay at Roxas sa sandaling pumasok na ang huli sa administrasyong Aquino at magiging problema pa umano ito ng Pangulo.
Sina Roxas ay sinasabing miyembro ng Balay Group samantalang si Binay naman ay nasa Samar Group, ang dalawang paksiyon sa administrasyon ni Aquino.