Flour miller, sumigaw ng harassment
MANILA, Philippines – Ipinahayag kahapon ng Food and Drugs Administration (FDA) na ligtas kainin at hindi mapanganib ang harina na ginagawa ng Marco Polo Flour Mills Inc. matapos na lumabas sa pagsusuri noong Nobyembre 4, 2010 ni FDA analyst Edna Bacalla.
Batay sa report, ang flour sample ay nakuha ng mga pulis sa kanilang pagsalakay sa Marco Polo factory sa Valenzuela City.
Lumilitaw sa report na negatibo sa potassium bromated ang harina ng Marco Polo sa kabila ng sinasabi ng ilang mga pulis na ito ang batayan ng kanilang paghingi ng search warrant mula kay Manila Regional Trial Court Judge Amor Reyes.
Ayon sa kinatawan ng Marco Polo, alam ng mga pulis ang resulta ng FDA sa kanilang produkto dahil sila ang nagsumite nito sa FDA subalit mali naman ang kanilang pagbibigay ng impormasyon kung saan sinabi ng mga awtoridad na hindi dapat na gamitin at mapanganib ang nasabing harina.
Nabatid na kabubukas lamang ng Marco Polo noong Oktubre kung saan ibinebenta sa mababang halaga ang harina sa P570 kada 25-kilo bawat sako na mas mababa kumpara sa presyong P650 na ipinatutupad ng ilang flour miller.
Napag-alaman pa na mas mababang presyo ng harina ang handang i-supply ng Marco Polo sa merkado partikular na sa mga bakery na gumagawa ng pandesal na kinakain ng masa.
Nagtataka lamang umano sila sa patuloy na pagsalakay ng mga pulis samantalang wala nang bisa ang search warrant at pawang harassment ang ginagawa laban sa kanila.
- Latest
- Trending