MANILA, Philippines - Sa kauna-unahang pagkakataon mula ng mahalal noong 2007, nagampanan din kahapon ni Senator Antonio Trillanes sa labas ng selda ang kaniyang trabaho bilang senador matapos itong dumalo sa hearing ng Senate Committee on Health and Demography.
Tinalakay kahapon ng komite ang isa sa mga panukalang batas ni Trillanes na naglalayong magkaroon sa bansa ng Philippine National Health Research System (PNHRS).
Sa isang panayam, sinabi ni Trillanes na hindi naman siya kinabahan sa pagdalo sa unang hearing niya sa Senado.
Inamin din ni Trillanes na itinuturing pa niya ang sarili na nasa “on the job” training o OJT at mag-oobserba siya sa pagsisimula ng sesyon sa Lunes.
Balak din umano ni Trillanes na imbitahin ang mga head ng legislative departments sa Senado upang ipaalam sa kaniya ang mga dapat niyang gawin lalo na tungkol sa legislative procedures.
Ayon pa kay Trillanes, hindi siya magpapanggap na maraming nalalaman at magpapaturo siya sa ibang mga kasamahang senador at ituturing ang sarili na isang estudyante.
“I will be coming in as a student. I won’t pretend that I’m an expert on all these things. Anyway there’s still time, we don’t have any explosive exposes yet,” ani Trillanes.