MANILA, Philippines - Umaabot sa 674 miyembro at mga opisyal ang isinalang na kahapon ng Philippine National Police sa re-training partikular na ang mga nasasangkot sa serious grave offense, pagsira ng disiplina at imahe ng organisasyon.
Sa isang pulong-balitaan kahapon sa Camp Crame, sinabi ni PNP Spokesman Chief Supt. Agrimero Cruz Jr. na ang unang grupo ng mga pulis ay isinalang sa re-training sa School for Values and Leadership sa Clarkfield, Pampanga.
Kabilang sa mga ito ay ang 57 buong puwersa ng Talavera Municipal Police Station (MPS) sa Nueva Ecija; 60 pulis mula sa Cainta Police Station sa Rizal at 42 kasapi ng Police Station 12 ng Quezon City Police na nakabase sa Eastwood, Quezon City.
Sinabi ni Cruz na ang mga elemento ng Talavera MPS ay muling sasanayin sa tamang asal at pag-uugali matapos namang masangkot si Inspector Bernardo Castro sa pamamaril at pagkakapatay sa hepe nitong si Supt. Ricardo Dayag sa loob ng compound ng kanilang himpilan noong Enero 1.
Dalawa namang bagitong pulis ng Cainta MPS ay nasangkot sa pagdukot at bigong pagpatay sa isang buntis na ginang.
Ang iba pa ay ang 38 pulis sa San Fernando, La Union; 88 sa Cauayan City, Isabela; 36 sa Naujan Municipal Police Station sa Oriental Mindoro; 33 sa Camalig MPS sa Albay; 30 sa Bacolod City Police sa Negros Occidental; 21 sa Dauin MPS sa Negros Oriental at 17 naman mula sa Albuena MPS sa Leyte.