Chacha di prayoridad ng Palasyo
MANILA, Philippines - Iginiit ng Malacañang na hindi prayoridad ng Aquino administration ang pagsusulong ng Charter Change (Chacha).
Sinabi ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte na mas maraming bagay ang dapat pagtuunan ng administrasyon bago ang pagsususog sa Konstitusyon.
Sinabi pa ni Valte na wala silang nakikitang dahilan upang madaliin ang pagsusulong ng Chacha bagkus ay hihintayin na lamang nito ang mga developments sa Kongreso.
Sa kasalukuyan ay wala pang binubuong Charter Change Commission ang Pangulo gaya ng pangako nito noong eleksyon.
Hinamon naman ni Senator Francis “Chiz” Escudero ang mga mambabatas na pilit na bumubuhay sa Chacha na tukuyin at linawin kung ano ang mga probisyon sa Konstitusyon ang nais nilang maamiyendahan.
Igniit ni Escudero na mahalagang maliwanagan kung ano ang mga probisyon sa 1987 Constitution ang nais na baguhin ng mga nagsusulong ng Cha-cha.
Matutukoy aniyang kung kinakailangan at makabubuti para sa ating bayan ang Cha-cha kung ihahayag na kaagad kung ano ang aamiyendahan dito.
Sinabi ni Escudero na kung magiging katanggap-tanggap ang mga nais na amiyendahan sa Konstisyon ay maaring isagawa ang Chacha sa loob ng unang dalawang taon ng Aquino administrasyon.
Naniniwala si Escudero na kung kinakailangan talagang amiyendahan ang Konstitusyon dapat itong isagawa sa mga unang taon ng kasalukuyang administrasyon upang hindi pagdudahan at makulayan ng pulitika.
Una rito sinabi ni Congressman Ben Evardone na ngayon ang tamang panahon para simulan na ang debate sa Cha-cha.
- Latest
- Trending