Krus humiwalay sa Poong Nazareno
MANILA, Philippines - Bahagyang nagkaroon aberya kahapon sa Quirino Grandstand sa pagdiriwang ng Kapistahan ng Black Nazarene matapos na maghiwalay ang Krus sa Poon, kahapon ng umaga.
Hindi pa man natatapos ang misa ay agad nang inakyat ng mga deboto ang itim na Nazareno na naging dahilan upang matanggal ang Krus sa Poon.
Bunsod nito, bahagyang naantala ang paglalagay sa karosa ng Black Nazarene at dakong alas-8 ng umaga nang magsimula na ang pag-usad nito para sa tradisyunal na prusisyon.
Hindi din napigil ng ulan ang mga deboto na sumama sa prusisyon at ipakita ang kanilang paniniwala sa Mahal na Nazareno.
Ayon sa mga deboto, bagama’t hindi mainit ang panahon, nangangamba din sila na magdulot ng sipon at ubo ang ulan lalo pa’t magkakadikit at marami ang kanilang katabi.
Samantala, umaabot sa 453 deboto ng Itim na Nazareno ang nagtamo ng sugat, pananakit ng tiyan at ulo, hypertension at pagkahilo ang binigyan ng tulong medical ng Philippine Red Cross (PRC).
Dinala din sa Ospital ng Maynila sina Shaira Cruz, 15; Enrico Nobrigo, 35; Mac-mac Bacer, 21; Robilito Villamor, Nazarene marshall, 31; Angelica Pudiamat, 18; Carlito Otanes, 8; Kween Ferrer, 15; at Cristino Buan, 26, bunga ng mga sugat sa katawan, kakulangan sa paghinga, pagkasunog at pagkakaroon ng bukol habang isang Brian ang nawalan ng malay. Isinugod naman sa Gat Andres Hospital si Cyrus Oper, 27 na nakaranas ng hypertension.
Isa sa mga malubhang nasugatan dahil sa prusisyon ay isang 8-taong gulang na batang lalaki na tinuli ng mga doctor sa Ospital ng Maynila, matapos sapilitang isara ang zipper ng pantalon at naipit umano ang balat ng kaniyang ari dahil sa pag-ihi.
Batay sa ulat, nasa Quirino Grandstand umano ang bata at hinihintay ang prusisyon, nang makaramdam ito ng tawag ng kalikasan subalit biglang tila alon na humampas ang mga tao sa kaniya kaya napabilis sa pagsasara ng zipper at nag-iiyak sa sakit nang maipit ang ari.
Malubha ring nasugatan ang isang umano’y mandurukot, matapos na bugbugin ng mga deboto nang iturong siya umanong kumuha sa wallet ng isang ginang na kasama sa prusisyon sa kanto ng P. Burgos Avenue, panulukan ng Ma. Orosa Street, sa Ermita.
Nabatid na umaabot sa 250 PRC staff at volunteers kasama ang 13 ambulances at service vehicles ang ipinakalat sa Maynila para sa Pista ng Black Nazarene.
Samantala, hindi lamang naman mga ordinaryong tao ang nakiisa sa prusisyon, dahil nilahukan din ito ng ilang kilalang pulitiko at mga dayuhang turista, tulad nina dating Vice Pres. Noli de Castro na taun-taong dumadalo sa prusisyon, habang nanalangin naman sa Simbahan ng Quiapo si Parañaque Rep. Roilo Golez.
- Latest
- Trending