MANILA, Philippines - Kailangan munang kumuha ng certificate sa Tesda o Technical Education and Skills Development Authority ang mga bus driver bago payagan ang mga ito na makabiyahe o makapag-drive sa lansangan, ayon sa Land Transportation Office (LTO).
Ayon kay Edgar Cabase, hepe ng LTO Enforcement Division, ang kautusan ay base sa pagsang-ayon ng Department of Transportation Office bunga ng sunod-sunod na aksidenteng kinasasangkutan ng mga ito sa lansangan.
Sinabi ni Cabase, sa pamamagitan ng certificate mula sa Tesda ay mapapatunayang ang mga driver ay sumailalim sa pagsasanay sa road safety program.
Ang naturang kautusan, dagdag ni Cabase, ay sisimulan nilang ipatupad ngayong buwan para masigurong ang mga bus driver ay may kaalaman sa ligtas na pagmamaneho sa lansangan.
Bukod sa mga bus driver, maging ang driver examiner, lecturer ng LTO, gayundin ang law enforcer nito, mga deputized law enforcement unit ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ay kailangan ding sumailalim sa training at magpakita ng certificate galing Tesda bago nila gampanan ang kani-kanilang mga tungkulin.
Kaugnay nito, patuloy naman ang pagpapatupad sa education campaign ng LTO sa mga driver.
Sabi ni Cabase, titipunin nila ang lahat ng government drivers kasama ang mga ambulance drivers upang isailalim sa seminar sa wastong pagmamaneho matapos ang ilang aksidente na kinasangkutan ng mga ambulansya.
Maglulunsad din daw ang LTO ng mga operasyon laban sa mga sasakyan na walang ilaw, walang signal light, at walang busina na karaniwang sanhi ng aksidente.
Maging ang mga pribadong sasakyan ay hindi rin umano palalampasin ng nasabing kagawaran.
Samantala, sinuspinde na ng LTFRB ang prankisa ng Gasat Express bus na nasangkot sa karambola ng dalawa pang sasakyan sa Batangas na ikinasawi ng 7 katao.
Ang suspension ay ipatutupad ng kagawaran sa loob ng 30 araw kasabay ng kahilingan nito sa operators ng bus na magpaliwanag kung bakit sila hindi dapat suspendihin.