70 OFWs na nag-strike sa Madagascar, pauuwiin
MANILA, Philippines - Kumilos na ang Department of Foreign Affairs (DFA) upang tulungan ang may 70 Overseas Filipino Workers (OFW) na nagigipit sa Madagascar kasunod ng kanilang ginawang strike o pag-aalsa laban sa kanilang employer.
Kahapon ay inatasan na ng DFA Office of the Undersecretary for Migrant Workers Affairs (DFA-MWA) ang Embahada ng Pilipinas sa Nairobi, Kenya na tingnan ang kalagayan ng mga nasabing OFWs na nagsagawa ng protesta laban sa Kentz Engineering and Constructions dahil sa paglabag sa kontrata at tiyakin na mareresolba ang kanilang mga reklamo.
Nabatid na may dalawang linggo ang nakalilipas, may 85 na OFWs na pawang empleyado ng Kentz at natalaga sa Ambatovy Mining site sa Tamatave, Madagascar ang nag-alsa dahil sa pagka-antala ng kanilang sahod at hindi pagbibigay ng overtime pay, hindi magandang akomodasyon at iba pang hinaing laban sa kanilang employer.
Sa report na tinanggap ng DFA ng Embahada, ang 15 OFWs sa nasabing bilang ay hiniling na makauwi na sa Pilipinas at dumating sila noong Disyembre 20 habang ang nalalabing 70 OFWs ay kasalukuyang stranded sa isang hotel sa Antananarivo, Madagascar na nag-aantabay na ng kanilang repatration.
Nakikipag-ugnayan na ang Embahada sa mga opisyal ng Kentz upang maibigay ang mga kompensasyon at ang plane ticket ng 70 OFWs.
- Latest
- Trending