Para tumestigong muli sa Vizconde massacre... Alfaro di puwedeng i-extradite - DOJ

MANILA, Philippines - Inamin kahapon ni Justice Secretary Leila de Lima na hindi nila maaring pili­ting pauwiin o i-extradite ang pangunahing testigo sa Vizconde massacre na si Jessica Alfaro sa sandaling tumanggi itong bumalik sa bansa upang muling tumestigo laban kay Hubert Webb at mga kasama nito.

Sinabi ng kalihim na sa kabila ng kanilang pagsusumikap na ginagawa upang mapabalik si Alfaro sa bansa ay hindi nila ito maa­ring i-extradite o atasang bumalik sa PIlipinas dahil sa wala naman criminal case na kinakaharap ang star witness.

Ipinaliwanag pa ni de Lima maging ang Task Force na kanyang itinatag ay wala ding ‘subpoena powers’ kaya’t ang magagawa na lamang umano nila ay ang magiging resulta  ng isang taong malapit kay Alfaro na humihikayat dito upang bumalik na sa bansa.

Subalit sa sandali uma­nong hindi makumbinsi si Alfaro na bumalik sa bansa, ay isang back-up plan naman ang inihahanda nila tulad ng pag bi-video tape na lamang ng mga pahayag nito.

Nauna nang inihayag ng pinsan ni Lauro Vizconde na ayaw ng lumantad pa ni Alfaro at magbigay ng panibagong testimonya dahil sa ayaw na muli nitong maranasan ang magulong buhay mula nang ituro nito ang grupo ni Webb na siyang res­ponsable sa karumaldumal na massacre sa mag iinang Estrelita, Carmela at Jennifer noong Hunyo 1991.

Sa kabila nito positibo pa rin si de Lima na makukumbinsi  na umuwi ng PIlipinas si Alfaro sa sandaling makahanap ito ng tamang tao na mapapagkatiwalaan.

Show comments