MANILA, Philippines - Iginiit kahapon ni Senator Edgardo Angara na dapat maging “financial independent” ang mga ospital at clinic ng gobyerno upang mas mapagserbisyuhan ang mas maraming pasyente.
Ayon kay Angara, dapat manatili na lamang sa mga government ospitals at clinic ang kanilang kita upang magastos sa kanilang operasyon lalo na sa mga rural areas.
Kabilang umano sa maaaring pagkakitaan ng mga ospital ang kanilang pharmacy at iba’t ibang fees mula sa mga in-house services katulad ng laboratory, operating room at radiology procedures. Magagamit ang nasabing pondo sa maintenance at operating expenditures ng mga ospital ng pamahalaan.
Kung tutuusin aniya ay napaka-simple lamang ang nasabing programa pero makakatulong sa mgaospital ng pamahalaan na kalimitang kinakapos din ng pondo mula sa national government.