MANILA, Philippines - Sa kabila ng pagseselyo sa mga baril ng kapulisan sa Metro Manila, umakyat pa rin sa walo katao ang tinamaan ng ligaw na bala, batay sa naitala ng Department of Health.
Hindi naman matiyak kung saan at sino ang responsable sa pagpapaputok ng baril na itinuturing na “to whom it may concern” o bahala na kung saan tumama.
Bukod sa pag-akyat sa 8 kaso ng stray bullet, patuloy pa rin sa paglobo ang mga biktima ng firecrackers simula Disyembre 21-30 ng umaga na may kabuuang 229, kabilang ang 8 nasugatan dahil sa ligaw na bala.
Gayunman, mas mababa naman ng 3 porsyento ang kaso ng stray bullet kumpara noong nakalipas na taon.
Nangunguna pa rin ang National Capital Region (NCR) sa may pinakamaraming kaso ng firecracker-related injuries.
Lumilitaw na sa kabuuang bilang, nasa 216 (94%) ang nasugatan dahil sa paputok, walo (4%) ang sugatan sa stray-bullets at lima (2%) naman ang fireworks ingestion. Isa pa rin naman ang naitalang patay dahil sa paputok.
Pinakamarami pa ring nasugatan sa hanay ng mga batang nasa edad isa hanggang 10 taong gulang o 88 kaso (41%), at piccolo pa rin ang itinuturong dahilan nang pagkasugat ng mga ito. (Ludy Bermudo/Gemma Garcia)