Pasahe sa provincial buses tataas sa Enero 2011

MANILA, Philippines - Posible na ang pagtaas ng halaga ng pamasahe sa mga provincial buses sa bansa.

Ito ang sinabi ni Ho­mer Mercado, Pangulo ng Provincial Bus Operators Association of the Philippines (PBOAP) kaugnay ng inaasahang pagtaas ng toll fee sa South Luzon Expressways (SLEX) sa pagpasok ng taong 2011.

Ayon kay Mercado, bagamat mag-uusap pa ang mga opisyales ng samahan kung magkano ang itataas sa pasahe sa mga bus na may biyahe sa mga lalawigan, lalaro sa 30 centavos hanggang 50 centavos kada kilometro ang maaari nilang itaas na pasahe sa susunod na taon.

Sa kasalukuyan, ang pasahe sa provincial ordinary bus ay P130 kada kilometro at P160 sa airconditioned provincial bus.

Kaugnay nito, sinabi din ni Jose Aguido, opisyal  ng Metro Bus Operators na magtataas din sila ng pasahe sa mga passenger bus sa Metro Manila.

Ang hakbang ay reaksiyon ng PBOAP at Metro Bus Operators sa pahayag ng Toll Regulatory Board (TRB) na aabutin sa 300 percent ang ipatutupad na toll fee hike sa SLEX.

Wala pa namang akmang halaga ang Metro Manila bus operators kung magkano ang itataas sa pasahe dahil dedesisyunan pa ito ng kanilang mga mi­yembro sa gagawing pulong sa Enero.

Sa ngayon ang pasahe sa ordinary Metro Manila bus ay P9.00 per kilometer at P11.00 sa airconditioned bus per kilometer.

Show comments