MANILA, Philippines - Inilunsad na ng Department of Health (DOH) ang “all-out war” laban sa pagbebenta ng piccolo matapos umaabot na sa 173 ang nabiktima sanhi ng mga paputok.
Ayon kay Health Secretary Enrique Ona, lumilitaw na 162 ang sanhi ng fireworks, anim ang biktima ng stray bullets habang lima naman ang sinasabing nakakain o nakalulon ng paputok.
Ang National Capital Region ang nakapagtala ng pinakamaraming bilang na pumalo sa 80 kaso na sinundan ng Central Luzon, 15 at Western Visayas, 12.
Sa 162 injury cases, pinaka apektado ang nasa edad 1-10 taon na kinabibilangan ng 140 kalalakihan habang ang anim na biktima ng stray bullet ay mula 11-29 taong gulang kung saan lima ang lalaki.
Nababahala din ang DOH sa report na tumaas sa lima ang apat na bilang ng mga biktima na nakakalulon ng paputok kabilang ang piccolo. Edad mula 1-44 naman ang biktima nito, tatlo ang lalaki at isa ang namatay.
Ang mga paputok ay kinabibilangan ng piccolo, 83; kwitis, 15; five star, 13; whistle bomb at boga, 8 at triangle, 7.
Giit ni Ona, kung hindi ititigil ang pagbebenta ng piccolo, inaasahan din ang paglobo ng magiging biktima nito hanggang Enero 1.
Sinabi ni Ona na may panahon pa umanong paalalahanan ang publiko laban sa paggamit ng mga paputok gayundin ang mga magulang na pagbawalan ang kanilang mga anak na humawak o gumamit ng piccolo.