Vizconde probe:Jessica Alfaro di na babalik?
MANILA, Philippines - Maaring magpadala na lamang ng imbestigador sa kinaroroonan ng pangunahing testigong si Jessica Alfaro para sa panibagong imbestigasyon sa Vizconde massacre.
Ito ang ipinahiwatig kahapon ni Department of Justice Secretary Leila de Lima na nagsabing nangangamba umano ang Task Force Vizconde na hindi na bumalik sa Pilipinas si Alfaro dahil sa plano ng kampo ni Hubert Webb na kasuhan ang naturang testigo dahil sa pagsisinungaling.
Isinasagawa ang panibagong imbestigasyon makaraang ipawalang-sala ng Supreme Court sina Webb at iba pang akusado sa pagpaslang kay Estrellita Vizconde at mga anak nitong sina Carmela at Jennifer sa Parañaque City noong Hunyo 30, 1991.
Bukod dito, nag-iisip na rin umano ng paraan ang DOJ kung papaano makukumbinsi si Alfaro na bumalik sa bansa upang makatulong sa re-investigation sa kaso.
Ayon kay de Lima, isa sa miyembro ng unang team ng National Bureau of Investigation na humawak sa imbestigasyon ng Vizconde ay tila kamag-anak ni Alfaro kaya napasok ito sa NBI at nangako umano ito na sisikapin nyang makontak ang testigo.
Tiwala naman ang kalihim na makikipagtulungan si Alfaro sa re-investigation lalo pa at kung totoo ang sinasabi nito.
Samantala, sa hiwalay na panayam, sinabi ni de Lima na iimbestigahan pa rin nila sina Webb at ibang napalayang akusado kahit pinawalang-sala sila ng Mataas na Hukuman.
Sinabi naman ng kalihim na hindi na pwedeng litisin sa kahalintulad na krimen sina Webb alinsunod sa doktrina ng double jeopardy.
Ipinaliwanag ng kalihim na isinasama lang sina Webb sa imbestigasyon bilang bahagi ng pagsisikap na maisara ang kaso at matukoy kung sino talaga ang pumatay sa mag-iinang Vizconde at gumahasa kay Carmela.
Bukod sa grupo ni Webb, kabilang pa sa mga suspek ang Barroso Akyat bahay Gang at isang grupo ng mga obrero.
- Latest
- Trending