MANILA, Philippines – Naghain ng motion for reconsideration ang Malacañang sa Korte Suprema kaugnay sa nabasurang Executive Order no. 1 na bumuo sa Truth Commission.
Hiniling sa Korte Suprema ng pamahalaan sa pamamagitan ng Office of the Solicitor General (OSG) na muling suriin ang desisyon nito na nagpapawalang bisa sa Truth body na mag-imbestiga sana sa umano’y anomalya ng administrasyon ni dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo.
Sa inihaing motion for reconsideration ng Palasyo sa pamamagitan ni Solicitor General Jose Anselmo Cadiz, sinabi nito na ang EO 1 ay hindi lumalabag sa equal protection clause.
Ito ay dahil sa ipinapakita lamang ng pamahaalan sa nasabing kautusan na wala silang intensyon na mag-discriminate laban sa nakaraang administrasyon at hindi naman nito sini-‘singled out’ si dating Pangulong Arroyo na iimbestigahan ng TC.
Nilinaw pa ni Cadiz na hindi pinupuntirya ng Truth Commission ang isang indibidwal subalit tumutukoy sa mga kwestiyunableng transaksyon ng dating administrasyong Arroyo.
Paliwanag pa ng OSG ang nasabing kautusan din umano ay nagpapatunay na ang administrasyong Arroyo ay hindi maaring sumalang sa anumang inquiry o fact finding tulad ng nakaraang administrasyon habang ang ibang administrasyon umano ay dumaan sa katulad na imbestigasyon.
Posible umanong magresulta ito ng pagbibigay ng pabor sa administrasyong Arroyo na hindi natamasa ng mga nakaraan pang administrasyon ang pribilehiyo ng immunity sa anumang inquiry o fact finding.
Iginiit pa ni Cadiz na pinaimbestigahan din dati ni Arroyo si dating Pangulong Joseph Estrada samantalang pinaimbestigahan din nito si former President Fidel Ramos dahil sa Centennial Expo.
Gayundin ang namayapa at dating Pangulong Corazon Aquino na pinaimbestigahan si dating President Ferdinand Marcos.
Matatandaan na sa botong 10-5, idinekla ng Korte Suprema na labag sa batas ang executive order no. 1 na nagtatatag sa Truth Commission na inisyu ni Pangulong Noynoy Aquino na mayroong mandato na imbestigahan ang umanoy graft and corruption ng administrasyong Arroyo.
Naniniwala ang mayorya ng mga mahistrado na bukod sa paglabag sa equal protection clause ay layunin lamang ng nasabing kautusan na maghiganti sa nakaraang administrasyon.
Ayon naman kay Executive Secretary Paquito Ochoa, ang pag-apela nila sa SC ay bahagi ng kanilang hangarin na subukan ang lahat ng legalidad para mapanagot ang nakaraang administrasyon sa mga nagawang katiwalian.