De Lima pumalag sa memo

MANILA, Philippines - Inalmahan kahapon ni Justice Secretary Leila de Lima ang memorandum ni Executive Secretary Paquito Ochoa na nag-aatas sa kanyang magtungo sa Hongkong para humarap sa sariling imbestigasyon ng Hongkong police sa Quirino grandstand hostage crisis noong Agosto 23.            

Ayon kay de Lima, posibleng malagay sa ala­nganin ang kasarinlan ng Pilipinas kung kaagad na pagbibigyan ang kahilingan ng Hongkong Police na paharapin sa kanilang imbestigasyon ang 136 na personalidad na nabanggit sa report ng Incident Investigation and Review Committee. (IIRC).

Kaugnay nito, sinabi ni de Lima na irerekomenda niya kay  Pangulong Noynoy Aquino na igiiit sa Hongkong authorities na gamitin ang Mutual Legal Assistance Treaty o MLAT sa pagresolba sa kaso.           

Ito’y upang maprotektahan umano ang karapatan ng lahat ng mga haharap sa imbestigasyon ng Hongkong authorities at upang hindi lumitaw na mistulang isinusuko ng administrasyong Aquino ang kasarinlan ng Pilipinas.         

Iginiit rin ni de Lima na dapat munang isiwalat ng Hongkong ang tunay na pakay ng kanilang imbestigasyon at kung ano ang tiyak na masasakop nito bago tumugon ang Pilipinas sa kahilingan nitong magtungo sa Hongkong ang lahat ng may kinalaman sa hostage crisis.

Magugunita na 8 Hong Kong tourist at ang hos­tage taker na si dating Chief Inspector Rolando Men­doza ang nasawi sa nasabing madugong 11 oras na hostage crisis.

Show comments