MANILA, Philippines – Dapat ipatigil ni Pangulong Noynoy Aquino ang joint venture agreement ng Government Service Insurance System at Megaworld Corporation para sa pagtatayo ng residential condominium units sa Cultural Center of the Philippines Complex dahil sa umanoy mga maanomalyang probisyong nakapaloob sa nasabing kasunduan.
Sinabi ni Atty. Jay Antonio Carpio sa isang pulong-balitaan na dapat ipawalambisa ang kasunduan dahil, bukod sa mga maanomalyang probisyon nito, labag din umano ito sa PD 15 na nagtatalaga sa CCP complex bilang sentro ng Sining at Kultura at hindi bilang isang residential area.
Nilagdaan ang kontrata noong Mayo pagkatapos ng eleksyon sa pagitan ng megaworld at ni dating GSIS President Winston Garcia kaya maituturing umano ito bilang isang midnight deal.
Masyado rin umanong talo ang gobyerno sa nasabing joinht venture agreement dahil 17.5 percent lamang ng kikitain ang mapupunta sa pamahalaan habang 82.5 percent ang sa Megaworld.
Sinabi pa ni Carpio na hindi sinunod ang standard practice sa nasabing joint venture kung saan ang private sector ay karaniwang nagkakaloob ng cash fund bilang seed money.