DOJ tuloy sa bagong Vizconde probe
MANILA, Philippines – Kahit maikli na lang ang nalalabing panahon, pursigido ang Department of Justice na muling imbestigahan ang Vizconde massacre at tukuyin ang mga salarin.
Kasunod ito ng pagpapawalang-sala ng Supreme Court kamakailan sa isang grupo ng mga nasentensyahang akusado na pinangungunahan ni Hubert Webb.
Ayon sa Revised Penal Code, maaari lang isampa ang bagong kaso kaugnay ng Vizconde massacre sa loob ng 20 taon mula nang maganap ito.
Sa kaso ng pagpaslang kina Estrellita Vizconde at sa mga anak nitong sina Jennifer at Carmela, matatapos ang taning sa Hunyo 2011 kaya anim na buwan na lang ang natitira para sa DOJ.
Sinabi kahapon ni Justice Secretary Leila de Lima na, bukod sa pagtukoy sa mga tunay na pumatay sa mga Vizconde noong 1991, kailangan ding alamin kung ano ang naging pagkakamali sa orihinal na imbestigasyon nito tulad ng pagkawala ng ilang ebidensya.
“Bakit nawala yung semen sample, at bakit wala man lang nag-hunt down sa dalawa pang suspek,” patungkol ni de Lima kina Joey Filart at Artemio Ventura.
Idinagdag pa niya na titignan din sa imbestigasyon ang kredibilidad ng pangunahing testigong si Jessica Alfaro na itinuring ng Mataas na Hukuman na false witness.
Sinabi ni de Lima na magpupulong muna sila kasama ng mga opisyal ng National Bureau of Investigation at Philippine National Police bago dadako sa importanteng bahagi ng imbestigasyon.
Layunin umano ng pulong na malaman ang parameter ng task group kung saan itutuon ang atensyon at kung ano ang limitasyon nito para sa kaso.
Aminado si De Lima na pressured sila sa taning na anim na buwan ngunit tiniyak nitong gagawin nila ang lahat para mabigyang-linaw ang Vizconde massacre case.
Iginiit din nito na tanging sa usapin ng mga akusadong sina Webb lamang ang prescriptive period ngunit sa mga posibleng nagpabaya kaya nawala ang ilang mahahalagang ebidensiya sa kaso ay wala umanong deadline kaya bubusisiin nila ito hanggang mapanagot sa batas ang mga nagkaroon ng pagkukulang.
- Latest
- Trending