MANILA, Philippines – Hindi umano kinukuwestiyon ng Malacañang ang desisyon ng Supreme Court sa ginawang pagpapawalang sala kay Hubert Webb at mga kasamahan nito kahit pa ipinag-utos ni Pangulong Aquino sa Department of Justice na muling imbestigahan ang kaso.
Sinabi ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, nais lamang ng Palasyo na magkaroon ng closure ang kaso. Katungkulan din anya ng gobyerno na siguraduhing maparusahan ang mga nagkasala at dahil sa pag-abswelto kina Webb, nangangahulugan na hindi naresolba ang massacre kung saan tatlong mag-iina ang pinaslang.
Matatandaan na mismong si Pangulong Aquino ang nag-utos na muling imbestigahan ang Vizconde massacre lalo pa’t anim na buwan na lamang ang natitira upang muling makapagsampa ng kaso dahil sa 20 taon prescriptive period.
Bukod kay DOJ Sec. Leila de Lima, inatasan din na tumulong sa pagbubukas muli ng imbestigasyon ng kaso sina DILG Sec. Jesse Robredo, PNP chief Raul Bacalzo at NBI director Magtanggol Gatdula.
Nais din umano ng Pangulo na kumilos ang lahat ng kinauukulang ahensiya ng gobyerno para sa gagawing re-investigation dahil may hinahabol silang oras.
Nilinaw din ni Valte na hindi na kasama ang grupo ni Webb sa iimbestigahan dahil napawalang sala na ito at hindi na maaaring sampahan ng kaso dahil sa tinatawag na double jeopardy.