MANILA, Philippines - May limang testigo na hawak ang Public Attorney’s Office (PAO) na magpapatunay umano na may kinalaman talaga ang grupo ni Hubert Webb sa Vizconde massacre case.
Ayon kay PAO chief Persida Rueda-Acosta, lahat ng mga nabanggit na testigo ay positibong nagtuturo sa grupo ni Webb na sangkot nga ang mga ito sa kaso.
Isa umano sa mga nasabing testigo ay anak ng isang retiradong mahistrado na nakalaro ni Webb ilang araw bago naganap ang Vizconde massacre.
Gayunman, ang problema ayon kay Acosta ay kung papayag ang mga nasabing witness na magpasailalim sa witness protection ng DOJ kung sakali dahil sa hindi kaya ng PAO na bigyan ng seguridad ang mga ito.
Samantala, humarap sa media ang isang dating kababata at ahente ng NBI upang idipensa ang itinuturing na star witness sa Vizconde case na si Jessica Alfaro.
Ayon kay Crisencio Nombres Jr., walang katotohanan ang nakasaad sa desisyon ng Korte Suprema na asset ng NBI si Alfaro.
Nilinaw ni Nombres na kababata niya si Alfaro, at ng mapunta siya sa NBI partikular na sa anti-kidnapping division ay madalas itong dumalaw sa kanya.
Aminado rin ito na dalawang beses na nakatulong si Alfaro sa kanilang 2 drug operation ngunit nagkataon lamang umano ito at hindi naman ibig sabihin ay ahente na ng NBI si Alfaro.
Ikinuwento rin nito sa media na bilang isang mabuting kaibigan, nabanggit niya rito na may ipinahahanap sa kaniya na isang tao kaugnay sa “Vizconde”.
Dito na umano sinabi sa kanya ni Alfaro na may alam ito sa nasabing kaso, na naging dahilan para ipakausap niya ito sa mga nakatataas na opisyal ng nbi sa pangunguna ni Atty. Arturo Figueras.
Kaugnay nito, maghahain pa rin ng motion for reconsideration sa Korte Suprema ang PAO matapos na ipawalang sala ng mataas na hukuman si Webb at mga kasama nito.