LTO chief, asst. kinasuhan, pinadidismis ng Stradcom
MANILA, Philippines - Hiniling ng Stradcom Corporation, ang IT provider ng Land Transportation Office (LTO), ang dismissal nina LTO chief Virginia Torres at assistant niyang si Menelia Mortel sa administrative case na isinampa ng kumpanya kahapon sa Department of Transportation and Communications (DOTC).
Sa reklamo na ayon sa DOTC ay isusumite nito sa Department of Justice (DOJ), sinabi ng Stradcom na sina Torres at Mortel ay nakipagsabwatan umano sa grupo nina Bonifacio Sumbilla at Aderito Yujuico sa tangkang pag-take over sa Stradcom building noong December 9 sa loob mismo ng compound ng LTO main office sa Quezon City.
Imbes na pigilan ang marahas na takeover bid na tungkulin nila bilang opisyal ng LTO dahil wala namang naipakitang court order sina Sumbilla at Yujuico, sinabi ng Stradcom na kinunsinti pa umano nina Torres at Mortel ang krimen nang sabay-sabay sila nina Sumbilla at Yujuico na pumasok sa Stradcom building.
Kung talaga anyang nais lang ni Torres na protektahan ang LTO IT data base, gaya ng pahayag niya sa media, sinabi ng Stradcom na ang dapat niyang ginawa ay ang pigilan ang pwersahang pagpasok ng ilang elemento ng Quezon City Police Department sa gusali nang walang warrant o court order, gayundin ang sumunod na pagpasok naman ng may 30 armadong kalalakihan mula sa Universal Security Agency, na malinaw na ang nag-hire ay sina Sumbillo at Yujuico.
Kinailangan pang si DOTC Secretary Jose “Ping” de Jesus ang magpalayas sa mga umatake sa Stradcom building, nang komprontahin niya ang mga ito at walang maipakitang anumang utos mula sa korte.
Habang dinidinig ang kaso, hiniling ng Stradcom na ilagay sina Torres at Mortel sa preventive suspension.
Ang marahas na paglusob sa Stradcom building ay nagresulta sa halos isang araw na pagka-paralisa ng operasyon ng LTO.
- Latest
- Trending