MANILA, Philippines - Kumilos na si Vice President at Presidential Adviser for Overseas Filipino Workers (OFW) Concerns Jejomar Binay upang tulungan ang isang Pinay na nahaharap sa parusang bitay bunga ng pagpupuslit ng illegal na droga sa China.
Inatasan kahapon ni Binay ang Department of Foreign Affairs (DFA) na bigyan ng kaukulang tulong ang Pinay na isang guro sa Shanwei City na inaresto sa Baiyun International Airport matapos na makuha sa bagahe nito ang may 1,996 gramo ng heroin na nakalagay sa foil packet noong Oktubre 26, 2010.
“I am directing the DFA, particularly our consulate, to give all possible assistance to our kababayan. This is another unfortunate case,” ani Binay
Ayon sa DFA, noong Nobyembre 18 ay nagtungo na ang mga kinatawan ng Consulate General sa Guangzhou kung saan nakapiit ang nasabing OFW upang tingnan ang kalagayan nito.
Ang nasabing OFW ay nag-aantabay na ng kanyang paglilitis sa kaso na may katapat na parusang kamatayan sa China.
Sa direktiba ni Binay, ang DFA ay magbibigay ng mga kaganapan sa kaso at nais din ng Bise Presidente na panatilihing may close contact ang ahensya sa mga kaanak ng nasabing OFW.
Umapela naman si Binay sa mga OFWs na sundin ang mga batas ng mga bansang kanilang pupuntahan matapos ang pagtaas ng bilang ng mga Pinoy na ginagawang drug mules o courier dahil na rin sa malaking alok na halaga ng mga drug syndicates.