MANILA, Philippines - Isinampa kamakailan sa House of Representatives ang isang resolusyon na humihiling na imbestigahan ang umano’y kapalpakan ng pamunuan ng Land Transportation Office na nagbunga sa iligal na pagsakop sa Stradcom na siyang information technology provider ng ahensya.
Nagsampa ng House Resolution 772 si Western Samar Rep. Mel Senen Sarmiento na nagsabing dapat tingnan ng Kongreso ang patakaran ng LTO at ang patakaran nito sa seguridad.
Binanggit sa resolusyon ang pananalakay ng isang grupo ng mga armadong guwardiya noong Disyembre 9 sa tanggapan ng Stradcom sa LTO alinsunod sa utos umano ng tatlong tao na nagpapakilalang bagong mga may-ari at opisyal ng kumpanya.
Kinuwestyon ni Sarmiento kung bakit hindi kumilos si Assistant Secretary Virginia Torres para mabawi ang IT facility at ibalik ang operasyon nito sa LTO.
Isa anyang paglapastangan sa seguridad ang iligal na pagpasok ng armadong grupo sa main compound ng LTO bago pa man nagsimula ang oras ng trabaho sa ahensya. Maituturing itong kapabayaan ng liderato ng LTO, sabi pa ni Sarmiento.