MANILA, Philippines - Ipinagpaliban ng Makati City Regional Trial Court ang pagpapalabas ng desisyon sa kasong kudeta ng mga miyembro ng Magdalo Group sa pangunguna ni Senador Antonio Trillanes IV kaugnay ng 2003 Oakwood Mutiny.
Sinabi ni Makati RTC branch 148 Judge Oscar Pimentel na kailangang sumunod siya sa desisyon ni Pangulong Aquino makaraang aprubahan na rin ng Kongreso ang ibinabang amnestiya para sa mga sundalo na sangkot rin sa 2006 Marine stand-off, at 2007 Manila Peninsula incident.
Sinabi ni Pimentel na tatapusin niya at ilalabas sa loob ng 10 araw ang pormal na “deferment order”. May dalawang buwan umano niyang tinapos ang pagsusulat ng 260 na pahinang desisyon upang matapos na ang pitong taong usapin ngunit sa huli ay kailangang sumunod sa desisyon ng Pangulo.
Nakasaad sa Proclamation No. 75, ang pagbibigay ng amnestiya sa lahat ng aktibo at dating tauhan ng military, pulisya at mga tagasuporta na maaaring nakagawa ng krimen kaugnay ng partisipasyon sa tatlong kudeta noong administrasyong Arroyo.
Bago ang paghahayag ng deferment order, nagpatawag ng 15-minutong recess si Pimentel makaraan ang deliberasyon sa mga abogado ng depensa kung nais nilang isumite ang mga kliyente sa amnestiya.
Sinabi naman ng isang akusado na si Lt. Rex Bolo na hihintayin muna niya ang desisyon ng korte bago isumite ang sarili sa amnestiya.
Hindi naman sumalungat ang prosecution panel sa pangunguna ni Senior State Assistant Prosecutor Richard Anthony sa mosyon ng kampo ni Trillanes sa pagsasampa ng mosyon para sa pansamantalang kalayaan nito.
Naniniwala naman si Atty. Reynaldo Robles, abogado ni Trillanes, na hindi na kailangan pang ilabas ang hatol sa mga akusado dahil sa pinapawalang-bisa na ng amnestiya ang anumang pagkakasala ng mga ito.