'OFW sa droga wag tulungan' - Sotto
MANILA, Philippines – Naniniwala si Majority Leader Vicente Sotto III na hindi dapat tinutulungan ng gobyerno ang mga overseas Filipino workers na nakakulong sa ibang bansa dahil sa bawal na gamot.
Ginawa ni Sotto ang pahayag bilang reaksiyon sa ulat na hindi nagpadala ng kinatawan ang gobyerno sa Nobel Peace Prize ceremony sa Oslo, Norway upang hindi magalit ang China na tutol sa pagbibigay ng award kay Chinese dissident na si Liu Xiaobo.
Ikinonsidera umano ng Malacanang ang mga OFWs na nahaharap sa parusang kamatayan sa China dahil sa pagkakasangkot sa droga.
Nilinaw ni Sotto na hindi naman siya tutol sa pagtulong ng gobyerno sa mga OFWs na nasasangkot sa drug trafficking dahil nasa kapasyahan ito ni Pangulong Benigno Aquino III.
Pero, sa kaniya umanong pananaw, hindi dapat nakikialam ang gobyerno sa kaso ng mga Pilipinong sangkot sa droga sa ibang bansa.
Hindi rin naniniwala si Sotto na biktima lamang ang mga OFWs na nakapagdala ng droga nang hindi nila nalalaman.
“Naku hindi lahat yon. mas marami sa kanila alam nila ang dala nila,” sabi ni Sotto.
Paulit-ulit rin naman umano ang ginagawang paalala ng gobyerno sa mga OFWs na huwag papayag magdala ng droga sa ibang bansa kahit pa gaano kalaki ang ibabayad sa kanila.
“Paulit ulit na sinasabi nating huwag kayong papayag kahit pa gaano kalaki ang ibabayad sa inyo,” ani Sotto.
- Latest
- Trending