MANILA, Philippines - Hindi na umano dapat pang makakuha ni isang sentimo ang R-II Builders, Inc. sa pamahalaan bilang kabayaran sa makontrobersiyang proyekto sa Smokey Mountain Project dahil nabayaran na ito noon pang 2002.
Ito ang iginiit ng “urban poor, anti-corruption group” na kamakailan lamang ay laman ng pahayagan dahil sa sulat nito kay P-Noy na humihiling sa Pangulo na imbestigahan ang iskandalo.
Sa isang pahayag, isiniwalat ng Kapisanan Kontra Korapsyon (KKK) na mismong ang isang resolusyon sa proyekto na governing board na may petsang Hulyo 4, 2002 ang nagpapakita na ang R-II ay bayad na ng buo sa sinisingil nitong P659,274,223 mula sa proyektong nagkakahalaga ng P4.7 billion.
Anang grupo, ang ilan umano sa mga lumagda sa aprobal ng kabayaran ay si Reghis Romero na board member at kinakatawan ng R-II, Home Guaranty Corp. (HGC) na si Gonzalo Bongolan bilang chair at si Arthur Cabantac bilang alternate member sa National Housing Authority (NHA).
Nagtataka ang KKK kung bakit ang R-II ay nagsumite pa ng collection case laban sa project guarantor HGC sa Manila Regional Trial Court, na siya namang pinigil ng Korte Suprema kamakailan dahil sa kwestiyon ng hurisdiksyon.