MANILA, Philippines - Sina Truth Commission Chairman Hilario Davide at Executive Secretary Paquito Ochoa ang dapat sisihin sa pagbasura ng Supreme Court sa executive order na nagtatatag sa komisyon.
Ito ang sinabi ng National Association of Lawyers for Justice and Peace kahapon bilang reakson sa mga tumutuligsa sa desisyon ng Korte Supreme na nagdeklarang sa Konstitusyon ang pagkakabuo sa Truth Commission kasabay ng pagpuna na dapat ay nalaman na agad mula’t sapol ng dalawa na iligal ito at hindi dapat buuin.
Pinuna ni NALJP Chairman Jesus Santos na si Davide ay dating Chief Justice ng Korte Suprema.
Dalawa sa mga miyembro ng commission na sina Romeo Calleja at Flerida Ruth Romero ay kapwa din dating mahistrado ng Mataas na Hukuman.
“Bilang naging bahagi ng Korte Suprema, kabilang sila sa pinaka-magagaling na abogado sa bansa. Tiyak na naisip na nila agad na iligal ang Truth Commission subalit kataka-takang sinuportahan pa nila ito.
“Kung hindi lang ito sinuportahan nina Davide, hindi na sana dinanas ng Administrasyong Aquino ang ganitong kahihiyan,” ayon kay Santos.
Sinabi ni Santos na hindi makatarungang si dating Pangulong Gloria Arroyo pa rin ang pagmukhaing masama sa pagkatalo ng Truth Commission sa Korte Suprema.
“Kaya’t kung merong dapat sisihin, ito ay walang iba kundi si Davide na umaming tumulong siya sa pagbuo ng executive order at si Ochoa na nagpatupad nito,” ayon kay Santos.