MANILA, Philippines - Namimiligro umano ang housing program ng gobyerno para sa mahihirap dahil sa pagka-bangkarote ng Home Guaranty Corporation ng halos P10 bilyon.
Ayon sa Commission on Audit, kabuuang P9.85 bilyon ang pagkakautang ng Home Guaranty Corporation (HGC) na hinihinalang nawaldas sa panahon ng dating administrasyong Arroyo.
Ito ang nasilip ng COA matapos suriin ang libro ng kompanya mula 2002, isang taon matapos maipuwesto bilang hepe ng ahensya si Gonzalo Benjamin Bongolan.
Dahil dito, lumobo umano ang pagkakautang ng ahensya ng halos P10 bilyon sa pagtatapos ng 2009.
Ayon pa sa COA, wala nang kakayahan ang HGC na tugunan ang mga obligasyon ng naturang government owned and controlled corporation (GOCC) sa kagyat na panahon, kung saan mayroon itong bayarin at mga garantiya na aabot sa P4.109 bilyon.
Gayunman, tinatayang umaabot lang sa P1.946 bilyon ang halaga ng ‘current asset’ ng HGC.
Ang HGC ay may kritikal na papel sa programang pabahay ng gobyerno dahil ito ang nagbibigay garantiya (credit guarantee) sa mga gastusin sa pabahay sa layuning mabigyan ng sariling tahanan ang ordinaryong mamamayan.
Bunga nito, sinabi pa ng COA na sa halip na makatulong, naging “pabigat” pa ngayon ang HGC sa mga gastusin ng pamahalaan kung saan mayroon itong taunang alokasyon na P600 milyon.
Anito, ang walang puknat na ginawang pangungutang ng HGC sa ilalim umano ng liderato ni Bongolan ay nag-ambag ng malaki upang mabaon ito sa sandamakmak na utang.
Kaugnay nito, marami naman ang nagulat sa umano’y “mabilis” na pagbasura ng Office of the Ombudsman sa mga kaso ng katiwalian na isinampa noong Hulyo laban kay Bongolan at iba pang mga kasamahan nito bunga ng mga kwestyunableng transaksyon ng HGC sa mga pag-aari nitong lupain sa Lungsod ng Maynila.
Umabot lang umano ng may halos apat na buwan ang mga reklamo laban kay Bongolan bago ito inaksyunan ng Ombudsman na taliwas sa karanasan ng maraming nasampahan ng kaso kung saan kumakapal ang mga “alikabok” sa kanilang mga case folder ay hindi pa rin umaaksyon ang anti-graft agency.