MANILA, Philippines - Nagpahayag ng buong suporta si Pangulong Aquino sa industriya ng pagmimina sa Pilipinas bilang pangunahing solusyon para sa programa ng bansa laban sa kahirapan.
Sa mensaheng binasa ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Ramon J.P. Paje kaugnay ng 57th Annual National Mine Safety Conference na ginanap sa Baguio City kamakailan, sinabi ng Pangulo na malaki ang kita ng pamahalaan sa pagmimina at may malaking potensiyal ito upang malutas ang kahirapan sa bansa.
Nilinaw din ni Aquino na ang pagmimina ay “liwanag” na magdadala sa bansa tungo sa kaunlaran at binigyang pansin din niya ang naiambag ng industriya sa ating pambansang kaban na $2.7 bilyon mula 2009 hanggang 2010.
Ayon sa Pangulo, nitong huling anim na taon ay hindi lamang pondo sa pambansang kaban ang napalago ng industriya ng pagmimina kundi napaigting pa ang “multiplier principle” sa pagkakaloob ng 632,000 trabaho.
Tinukoy din ni Aquino ang mga proyekto sa pagmimina bilang public-private sector partnership (PPP) na suportado ng Malakanyang at nangakong poprotektahan din ng gobyerno ang pamumuhunan ng mga kompanyang nagpapatupad ng responsableng pagmimina gayundin ang karapatan at interes ng mga indibidwal at komunidad na apektado ng mga proyekto sa pagmimina lalo na ang mga katutubo.
Ayon kay Paje, sinabi ng Pangulo na dapat matuto ang Pilipinas sa mga aksidente sa mga minahan sa Chile, China at New Zealand kaya iniutos nito sa DENR na tiyakin ang kaligtasan ng mga manggagawa sa lahat ng mining projects sa bansa.