Mga guro kikidnapin!
MANILA, Philippines - Umaapela ngayon ang Department of Education (DepEd) sa pamahalaan partikular na sa Armed Forces of the Philippines (AFP) na pagtuunan ng pansin ang seguridad ng mga paaralan sa Lamitan, Basilan makaraang tumangging pumasok na ang mga guro sa apat na eskwelahan dahil sa patuloy na banta ng pagdukot ng mga armadong grupo.
Nanawagan si Education Secretary Armin Luistro sa mga armadong grupo sa Basilan na huwag namang idamay ang kanilang mga guro at opisyal ng paaralan na nagtatrabaho lamang upang magbigay ng edukasyon sa kanilang mga anak.
Kasunod ito ng pag-pull out ng mga guro sa pagtuturo sa mga paaralan ng Campo Uno, Dangkalan, Magsaysay at Baas Elementary Schools makaraang makatanggap ng text message si Teresita Suadico na nagsasaad na muling magsasagawa ng pagdukot sa mga guro sa nabanggit na mga paaralan. Patuloy na nakasuspinde rin naman ang klase sa naturang mga paaralan.
Ito’y makaraan naman na dukutin ng mga armadong grupo si Cecilia Sosas, ang principal ng Baas Elementary School noong Nobyembre 15 at patuloy pang hindi napapalaya.
Nakasaad pa sa naturang mensahe na tigilan na ng pamahalaan ang paghahanap kay Sosas dahil “wala” na umano ito.
Sinabi ni Luistro na ang mga bata rin sa Basilan ang magmamana ng paghihirap kung wala nang guro na nais magturo sa lugar dahil sa banta ng karahasan.
- Latest
- Trending