MANILA, Philippines - Mariing tinuligsa ng Office of the Ombudsman ang tinagurian nitong “vain and unethical” na pagsasampa ng R-II Builders Inc. ng patung-patong ngunit walang basehang mga kaso kaugnay ng maanomalyang Smokey Mountain project na kinasasangkutan ng naturang kumpanya ni Reghis Romero.
Ang maanghang na pahayag ay ginawa ng Ombudsman kasabay ng pagdismis sa reklamong “misconduct” na isinampa ni Jerome Canlas para sa R-II laban sa pitong opisyal ng Home Guaranty Corporation (HGC), isang government-owned corporation.
“R-II Builders and or its officers have been filing unfounded cases against HGC and its officers in relation to the Smokey Mountain project,” ani Ombudsman Merceditas Gutierrez sa desisyon na inaprubahan niya noong Nov. 12.
Kinatigan ng Ombudsman ang pahayag ng HGC na – taliwas sa alegasyon ng R-II – walang nangyaring underpricing sa pagbebenta nito ng 28,926 square meters na lupain sa La Paz Milling Corp., sa presyong P384,715,800 o P13,300 per square meter (sqm).
Ang mga pinawalang-sala ng Ombudsman ay sina HGC officials Gonzalo Borlongan, president; Elmer Cadano, executive vice president; at vice presidents Melinda Adriano, Rafael delos Santos, Corazon G. Corpuz, Danilo Javier at Jimmy Sarona.
Ayon sa Ombudsman, ang naturang kaso ng R-II ay isa lang sa sandamakmak na asuntong isinampa na ng kumpanya ng mga Romero upang magipit ang HGC at makakolekta ng bilyun-bilyong piso na kita kahit napakaliit naman ng naging sosyo nito sa Smokey Mountain project.
Katunayan, P3.1 bilyon ang kinailangang ipautang ng government agencies tulad ng SSS, OWWA at NHA para matuloy lang ang proyekto na ginarantyahan ng HGC.