6 OFWs sa Japan patay sa salpok!
MANILA, Philippines - Anim na overseas Filipino workers ang nasawi habang 20 pang Pinoy na pawang mga trabahador ng kumpanyang Sharp ang malubhang nasugatan matapos na banggain ang kanilang sinasakyang bus ng isang rumaragasang trailer truck sa Japan kahapon.
Sa report na nakarating sa Department of Foreign Affairs, ang mga nasawing OFWs ay tatlong babae at tatlong lalaki na nasa edad 20 hanggang 30.
Sa inisyal na report ng Japanese Police, agad na nasawi sa pinangyarihan ng insidente ang anim na Pinoy habang 22 katao pa ang malubha kabilang ang 20 pang OFWs, ang driver ng bus at driver ng trailer truck na pawang Japanese national.
Agad na inaresto ng Japanese Police ang driver ng truck matapos na lumabas na nabunggo nito ang kaliwang bahagi ng bus sa crossing na walang traffic light habang binabagtas ang Mie prefecture.
Napag-alaman na mula sa kanilang tirahan ay nagco-commute lamang ang mga biktima patungo sa kanilang pinapasukang kumpanyang Sharp, ang sikat na pagawaan ng television.
Inatasan na ng DFA ang Embahada ng Pilipinas sa Tokyo na bigyan ng agarang assistance kabilang ang pagpoproseso ng repatriation ng mga labi ng anim na nasawing OFWs.
Sa ilalim ng programa ng Overseas Workers Welfare Administration, tatanggap ng P200,000 cash benefits at P20,000 burial assistance ang pamilya ng OFW na OWWA member o dokumentado na namatay sa aksidente o trahedya habang nasa ibang bansa.
- Latest
- Trending