MANILA, Philippines - Naniniwala si Justice Secretary Leila de Lima na anumang araw ay magkakaroon na ng linaw ang kasong rape sa volunteer nurse na si “Florence”.
Ilang psychological test na ang dinanaan at ipinasa umano ni Florence kaya’t kasabay ng pagbuti ng kondisyon nito ay nabubuhay na rin ang pag-asang matukoy kung sino ang responsable sa panggagahasa sa kaniya.
Si Florence ay unang sumalang sa test na pag-identify ng mga larawan ng artista na pawang nakilala umano nito at sa susunod na linggo ay susubukan naman ang pag-identify nito sa mga larawan ng ilang personalidad na isinasangkot sa kaso ng panggagahasa.
Tiniyak naman ng kalihim na buong ingat ang kanilang mga pagsubok at pinangangasiwaan ito ng mga espesyalista mula sa DSWD.
Una nang sinabi ni de Lima na hindi umano gang rape ang nagyari, base sa medico legal findings ng NBI at iisang suspect ang gumahasa sa biktima na siyang dapat tukuyin ng biktima sa oras na gumaling na ito.
Nitong Nobyembre 2, sinabi ni de Lima na pinadalhan na rin ng subpoena, bukod kay South Upi vice mayor Jordan Ibrahim Campang, ang kapatid nitong si alyas “Taboy” at dalawang bodyguard ni Campang.
Ikatlong subpoena na rin ang ipadadala sa vice mayor na tumangging sumailalim sa DNA test sa kabila ng pangako nitong magpapasuri.