MANILA, Philippines - Umagos na ang lahar ng Mt. Bulusan sa dalawang barangay sa bayan ng Irosin, Sorsogon matapos umapaw sa dinaluyan nitong ilog dulot ng mga pag-ulan nitong Sabado ng umaga.
Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), ang lahar ay dumaloy sa mga barangay Cogon at Monbon.
Bunsod nito ay patuloy ang ‘dredging operations‘ ng lokal na pamahalaan para malinis at maiwasang tumigas ang lahar sa naturang mga barangay.
Nakapagtala rin ang Phivolcs ng 11 paglindol sa palibot ng bulkan. Isa sa mga ‘explosion type’ ay namonitor dakong alas-7:27 Biyernes ng gabi na tumagal ng 11 minuto na nagpatuloy sa loob ng 24 oras.
Nabatid pa na umaabot sa 13 tonelada kada araw ang ibinubugang sulfur dioxide ng Bulusan.
Nananatili sa alert level 1 ang status ng bulkan at pinaiiral pa rin ang 4 km. Permanent Danger Zone.