Comelec chief nagbitiw!
MANILA, Philippines – Tinanggap na ng Commission on Elections en banc ang pagbibitiw ni Comelec Chairman Jose Melo. Epektibo ang resignation sa Enero 31, 2011.
Kinumpirma din ito nina Comelec Commissioners Gregorio Larrazabal at Rene Sarmiento na natanggap na nila ang resignation ni Melo at hindi na umano ito isang sorpresa dahil matagal na ring sinasabi ng retiradong mahistrado na plano niyang magbitiw at layunin lamang na maging matagumpay ang computerized election, na kauna-unahan sa bansa.
Una na ring napaulat na maaga ang pagre-resign ni Melo, sa halip na sa 2016 pa dahil sa tatanggaping bagong posisyon sa Aquino administration, na sinasabing isang ambassadorial post.
Nabatid na tatlo na ang bakanteng puwesto sa Comelec sa pagsapit ng 2011 na bukod kay Melo ay magtatapos na ang termino nina Larrazabal at Commissioner Nicodemo Ferrer sa pagsapit ng Pebrero.
Naitalaga noong 2008 ni dating Pangulong Gloria Arroyo ang nasabing retired justice.
- Latest
- Trending