MANILA, Philippines - Nabigo kahapon ang Korte Suprema na desisyunan ang halos dalawang dekadang kaso ng Vizconde massacre at sa halip ay humingi pa ng dagdag na panahon upang makapagsumite ng kanilang revised o separate opinion.
Sa isang press conference, ipinaliwanag ni SC spokesman at Court Administrator Atty. Midas Marquez na bagamat matagal nang nakabinbin ang kaso ay inabutan naman na ito ng mga bagong mga mahistrado matapos na makapagretiro na ang iba na unang nagrebyu nito kung kayat makatwiran lamang ang paghingi pa nito ng dagdag na panahon.
Iginiit pa ng SC na ang buong merito ng kaso ang tinatalakay ng en banc at hindi lamang ito nakatuon sa motion for acquittal na inihain ng pangunahing suspek na si Hubert Webb dahil na rin sa pagkawala ng ilang mahahalagang ebidensya sa kaso partikular na ang semen specimen sa biktimang si Carmela Vizconde.
Bigo rin ang SC en banc na magtakda ng susunod na araw para sa muling deliberasyon sa kaso.
Ikinalungkot naman ni Lauro Vizconde ang panibagong delay sa pagresolba sa kaso, pero umaasa ito na ngayong taon ay madedesisyunan na ito ng SC.
Sa pag-aakala namang ilalabas ng SC ang desisyon sa kaso ng pagpatay sa kanyang mag-iina kayat magdamag nagbantay sa labas ng gusali si Vizconde.
Bukod sa Vizconde, nabigo din ang Korte na talakayin ang kinukuwestiyong legalidad ng Executive Order no.1 o ang pagbuo ng Truth Commission at ang kahilingan na magkaroon ng live coverage sa paglilitis ng Maguindanao massacre. (Gemma Garcia)