MANILA, Philippines – Dismayado ang pinuno ng kumpanyang Belgian na nagpanukalang isagawa ang P18.7-bilyong Laguna Lake Rehabilitation Project (LLRP) sa pagkansela sa proyekto ng Malacañang.
Sinabi ni Dimitry Detilleux, North Asia manager ng Baggerwerken Decloedt En Zoon (BDZ), nabigla siya sa pahayag ni Presidential spokesman Edwin Lacierda na kinansela na ni Pangulong Aquino ang proyekto.
“How can you cancel a contract without officially informing the other party?” tanong ni Detilleux sa biglaang pagbasura sa proyektong suportado ng mga mamamayan sa paligid ng lawa.
“We have not been informed that the contract we have signed with the government has been consigned to the trash bin,” giit ng Belgian executive.
Ayon kay Detilleux, isang environmental lawyer, ang isinagawang briefing sa Malacanang noong Biyernes ay hindi wastong lugar upang ianunsyo na ang isang “live contract” ay ibinabasura “unilaterally.”
Ang kanselasyon ng proyekto ay naging dahilan ng komosyon sa Department of Foreign Affairs (DFA) dahil ang mga matataas na opisyal ng departamento ay inatasan ng Malacanang na makipagpulong sa mga Belgian diplomats upang talakayin ang proyekto.
Ang pulong ay bilang preparasyon sa pakikipagpulong kay Pangulong Aquino sa Lunes.
Ang Belgium ang kasalukuyang pangulo ng European Union (EU).
“The Belgian government did not contemplate on securing funding support for a graft-ridden P18.7-billion project,” ayon sa mga diplomats na tumangging pangalanan.