'Pilipinas Kay Ganda' ibabasura na ng DOT
MANILA, Philippines - Posibleng tuluyan nang ibasura ni Department of Tourism (DOT) Secretary Alberto Lim ang kontrobersiyal na slogan nito na “Pilipinas Kay Ganda” dahil sa dami ng batikos na tinatanggap nito.
Sinabi ni Lim na inatasan na siya ni Pangulong Aquino na pag-aralan ang nasabing usapin.
Nilinaw naman ng kalihim na ang nasabing slogan ay produkto ng pag-aaral o research subalit kung ayaw talaga umano ng tao at mas marunong pa ang mga ito sa research ay baka umatras na lamang sila.
Plano din umanong gamitin ni Lim ang “ganda”, isang household word tulad ng “Sayonara” ng Japan, at “Aloha” ng Hawaii subalit kung ang bagong slogan ay aalisin handa na rin silang gamitin ang dating slogan na “WOW Philippines”.
Ang problema lamang umano ay dati ng ginamit ang Wow Philippines slogan at naiiwan na tayo ng ibang bansa na gumastos talaga para sa kanilang brand samantalang ang Pilipinas ay hindi.
Inamin naman ni Lim na nabigo ang kanyang grupo na mag-research sa internet address ng DOT dahil ang bagong website na www.beautifulpilipinas.com ay mayroong link sa porno site na www.fatasylatina.com.
Itinanggi naman ng Kalihim na ang logo at typeface ng “Pilipinas Kay Ganda” ay mula sa tourism logo ng Poland.
- Latest
- Trending