MANILA, Philippines - Umapela sa Ombudsman ang iba’t-ibang sektor sa Bataan para agad na desisyunan ang mga kasong malversation of public funds at administratibo laban kay dating Gov. Leonardo Roman na kinapapalooban ng P143 milyon.
Sa pahayag ng grupo na nakiusap munang huwag banggitin ang kanilang mga pangalan, taong 2005 pa nakabitin ang mga kaso laban kay Roman at walang anumang indikasyon na dedesisyunan na ito. Wala din umanong malinaw na paliwanag kung bakit nagtatagal ang kaso.
Nakasaad pa sa kanilang apela, noong gobernador pa si Roman ay nakakuha umano ng developmental loan ang lalawigan mula sa Pag-IBIG Fund na nagkakahalaga ng P143,027,300 para diumano sa Peninsula Housing Project sa bayan ng Samal. Subalit hindi umano natapos ang housing project. Wala rin umanong mahagilap na records kung paano ginastos at kanino napunta ang P143 milyon.
Sinampahan ng demanda si Roman noong Agosto 25, 2005. Subalit si Roman ay naghain lamang ng counter-affidavit noong Pebrero 3, 2006 o makalipas ang halos anim na buwan.
Nabatid kinalaunan ang loan ay lumobo na sa P225 milyon dahil sa mga multa at interes.