MANILA, Philippines - Naniniwala si Senate Majority Leader Vicente Sotto III na hindi epektibo ang media team ni Pangulong Benigno Aquino III kaya bumagsak ang popularity nito sa nakaraang Pulse Asia survey.
Sinabi ni Sen. Sotto, ang pagbaba ng approval rating ni Pangulong Aquino sa latest survey ng Pulse Asia kung saan ay bumaba ng 9 percent ang approval rating nito at 5 percent naman sa trust rating ay indikasyon na mahina ang kanyang media team.
Nauna rito, binatikos ng Pangulo ang mga mamamahayag dahil sa mas binibigyan daw ng pansin ay mga negatibong balita kaysa sa mga positibong balita lalo na tuwing lumalabas siya ng bansa.
Matatandaan na noong pumunta sa Amerika ang Pangulo ay mas napag-usapan ang kaniyang pagkain ng hotdog, samantalang noong pumunta ng Vietnam ay ang negatibong komento ng kaniyang speech writer na si Mai Mislang tungkol sa alak, trapik at kawalan ng guwapo sa nasabing bansa ang matagal na naging laman ng balita.
Mas na highlight naman ang ulat tungkol sa pag-amin ng Pangulo na nakikipag-date na siya sa kaniyang stylist na si Liz Uy noong magtungo siya sa Japan.
Sinabi ni Sotto na dapat itong maging “eye opener” sa Pangulo para tingnan kung epektibo ba o hindi ang kanyang PR at media team.
Naniniwala si Sotto na kung hindi nabibigyang importansya ang mga magagandang nagagawa nito sa halip ay mga trivial issues ang mas na ha-highlight sa mga balita, nangangahulugan lamang na may problema ang PR at media team partikular ang tinatawag na communication groups nito.